Social Amelioration Card: Paano Mag-Apply Ng Cash Aid Mula Sa Gobyerno

Social Amelioration Card: Paano Mag-Apply Ng Cash Aid Mula Sa Gobyerno

Kinumpirma ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ngayong araw (April 7) na extended nga ang enhanced community quarantine hanggang April 30 ngayong taon, matapos sabihin kagabi (April 6) ni Pangulong Rodrigro Duterte na tinitignan ng pamahalaan na pahabain pa ng tatlong linggo ang ECQ.

Ano ang ibig sabihin ng extension ng quarantine

Ipagpapatuloy pa rin ang pananatili natin sa ating mga tahanan hanggang makita ng mga eksperto na may pagbabago at pagbaba na sa bilang ng mga apektado ng COVID-19.

Ayon pa sa pinakahuling briefing ni Nograles, sinabi niyang base sa mga sinasabi ng mga eksperto, sa kalagitnaan pa ng Abril nila makikita ang talagang epekto ng community quarantine. Sinabi rin niya na sa tatlong models na tinignan nila, kapag inalis na ang quarantine, biglang tataas ang bilang ng mga magkakaroon ng COVID-19. Dito nagmula ang kanilang rekomendasyon na habaan pa ang quarantine.

Anong epekto ng extended quarantine sa trabaho ko

Kung kabilang ka sa pribadong sektor, maaari kang sumangguni sa inyong kumpanya para sa mga bago at updated na direktiba ngayong extended ang quarantine. Siguradong kakailanganin mo munang ipagpatuloy ang pagtatrabaho mo sa bahay.

Kung kabilang ka naman sa mga tinatawag na daily wage earners, maaari kang lumapit sa iyong lokal na pamahalaan para makakuha ng Social Amelioration Card (SAC).

Ano ang Social Amelioration Card?

Manggagaling ito sa inyong local government unit. Ito ang magiging tanda na ang pamilya ninyo ay beneficiary ng cash aid na manggagaling sa gobyerno. Tandaan, isang social amelioration card lamang ang matatanggap ng bawat pamilya.

Paano ito sagutan?

Naglabas ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng guidelines para masigurong tama ang laman ng SAC ninyo.

Isa sa mga pinakaunang dapat tandaan ang pagsusulat ng iyong pangalan sa MALALAKING LETRA. Kailangan malinaw ang pagkakasulat para maintindihan ng kawani ng gobyerno na titingin nito at magbibigay ng ayuda.

Kailangang siguraduhin mong bawat space ay may sagot at tama ang spelling ng mga pangalan. PHOTO BY Facebook / DILG Philippines

 

Kailangan mo ring ilagay ang pangalan ng lahat ng miyembro ng inyong pamilya. Ang unang pangalan na isusulat mo ang siyang makakahalili o siyang magiging alternatibong kinatawan ng iyong pamilya para tumanggap ng ayuda kung sakaling wala ka.

Ang unang pangalan sa SAC ang alternatibong kontak ng gobyerno kung wala ka. PHOTO BY Facebook / DILG Philippines

Tandaan na dapat LAHAT ng bahagi ng SAC ay masagutan mo. Huwag mo ring kalimutang pirmahan ang SAC.

DALAWANG KOPYA ang kailangan mong sagutan. Ang isa ay para sa kawani ng gobyerno, habang ang isa naman ay maiiwan sa bahay ninyo. Huwag itong iwawala! Kailangan mo ito para maging reference at para na rin ma-monitor ang mga ayudang matatanggap mo.

Huwag iwawala ang kopya na maiiwan sa inyong bahay! Importante itong reference ng mga matatanggap mo. PHOTO BY Facebook / DILG Philippines

Importante na i-check mong mabuti kung tama ang nakasulat na ayuda sa natanggap ninyo para masiguradong walang pandarayang mangyayari. Ayon kay Nograles, maaaring hulihin ng kinauukulan ang sino mang hindi maayos na ipatutupad ang pagpapamahagi ng tulong mula sa gobyerno.

Bakit wala kaming Social Amelioration Card?

Ang prayoridad ng gobyerno pagdating sa pagpapamahagi ng tulong ay iyong mga poorest of the poor o ayon sa lebel ng pangangailangan.

Kung bahagi ka naman ng Pantawid Pampamilyang Pilipino Program o 4Ps, hindi mo na kailangan pang sumagot ng Social Amelioration Card. Ang inyong mga cash subsidies o iyong perang tulong ng gobyerno ay didiretso na sa inyong mga accounts.

Kung hindi ka sigurado kung makakatanggap ba kayo ng tulong mula sa gobyerno o hindi, kailangan mong makipag-ugnayan sa inyong lokal na pamahalaan.

May nagbago ba sa alituntunin ng ECQ?

Ayon kay Nograles, wala. Inextend lamang nila ito ngunit pareho pa rin ang mga guidelines. Kailangan pa ring sundin ang curfew at isang miyembro pa rin ng pamilya ang pwedeng lumabas para mamili. Kailangan pa ring obserbahan ang social distancing at proper hygiene. Ipagpatuloy lang ninyo ang madalas na paghuhugas ng kamay, kabilang na ang tamang pag-ubo at pagbahing, lalo na sa mga pampublikong lugar.— Courtest of  Ana Gonzales  / smartparenting.com.ph

Leave a Reply

Share via
Copy link
Powered by Social Snap