‘Parang napilayan ng paa’: Lalaki ibinahagi ang pagpanaw ng asawang nurse dahil sa COVID-19

‘Parang napilayan ng paa’: Lalaki ibinahagi ang pagpanaw ng asawang nurse dahil sa COVID-19
Abril 12, 2020 nang pumanaw na sa sakit na coronavirus ang Pinay nurse na si Malujean Ballesteros sa London.

LONDON – Masipag sa trabaho ang Filipina nurse na si Malujean Ballesteros na may 18 taon nang nagtatrabaho sa National Health Service (NHS).

Bukod sa trabaho, maasikaso rin bilang maybahay ang 60-anyos na si Malujean, ayon sa asawang si Luis, 65. Mula sa kaniyang pagkain, gamot o appointment, nakatutok daw ang asawa niya.

“Super asa ako sa kaniya, kaya ngayon wala na siya, para akong napilayan ng paa. ‘Di ko alam ang gagawin ko,” sabi ni Luis. Ang mag-asawa ay highschool sweethearts at magkapitbahay rin sa Calauag, Quezon.

Abril 12 nang pumunaw sa sakit na coronavirus si Malujean sa St. Mary’s Hospital sa Paddington.

Kalagitnaan ng buwan ng Marso nang makaramdam umano ng sintomas ng coronavirus si Malujean pero ayaw umanong magpa-check up ng asawa o magpa-ospital man lamang.

Ayon kay Luis, hindi sakitin ang asawa. Pero matapos mag-self isolate ng dalawang Linggo napilit siya ng mga kaibigang nurse na magpacheck-up kaya tumawag sila sa NHS Hotline ‪111‬.

“Pag dinala ako sa ospital, hindi na ako makakabalik dito sa bahay, ‘yan ang sabi niya sa akin. Siguro alam niya kasi bilang nurse na maraming mas malakas na virus sa ospital,” saad ni Luis.

Kuwento ni Luis, ang paninirahan nila sa UK ang masasabing “best times” ng kanilang buhay mag-asawa. Bukod sa NHS, nagtrabaho rin bilang nurse sa Saudi Arabia si Melujuean ng 16 na taon kaya matagal silang hindi magkasama. Naiwan siya at ang mga anak sa Pilipinas.

“Five and six years old lang ang mga bata, nag- Saudi siya. Ang mga workers sa Saudi, two months lang ang bakasyon every year, and that’s for 16 years. Kaya sabi ko, huwag na. Nag- open sa UK, natanggap sila at ako nakasunod agad,” sabi ni Luis.

Sa kabila ng kalungkutan ay nagpapasalamat pa rin siya dahil ‘di tulad ng ibang pasyenteng may coronavirus disease, bago pumanaw ang asawa ay pinayagan daw siyang makadalaw sa ospital hanggang intensive care kaya nakapag-iwan pa siya ng mensahe sa asawa.

“Pinayagan akong hawakan siya, may mask at gloves siyempre, lahat. Sinabi ko sa kaniya ‘I love you, palakasin mo ang loob mo. Hinihintay ka namin at ng mga apo mo’,” kuwento ni Luis.

Pero matapos ang dalawang linggo sa ospital, hindi na nakayanan pa ng katawan ni Malujean ang paglaban sa COVID-19 at tuluyan nang pumanaw.

Sa tala ng embahada ng Pilipinas sa London, umaabot na sa 10 ang Pinoy nurse at medical worker ang namatay dahil sa coronavirus disease.

Sa datos ng World Health Organization nitong Abril 16, mayroon nang 98,480 kumpirmadong kaso ng coronavirus sa United Kingdom, kasama na dito ang bilang ng mga nasawi na nasa 12,868.— Source: Rose Eclarinal, ABS-CBN Europe News Bureau

Leave a Reply

Share via
Copy link
Powered by Social Snap