COVID-19 Testing Laboratory sa Batangas,bukas na

COVID-19 Testing Laboratory sa Batangas,bukas na

Pormal na binuksan ng Batangas Medical Center ang kanilang bagong tayong COVID-19 Testing Laboratory sa lungsod na ito noong ika-23 ng Hunyo 2020.

Naisakatuparan ang naturang proyekto sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Health Region 4A-Calabarzon, Lyceum of the Philippines University Batangas (LPU-B) at Batangas Medical Center (BatMC) kung saan inaasahang mapapabilis nito ang pagtukoy ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Batangas.

Ayon kay DOH Regional Director Dr. Eduardo Janairo dahilan sa kalagayan ng bansa na nasa state of health emergency at patuloy na pagdami ng bilang na nagpopisitibo sa COVID-19, isa ang testing facility sa solusyon para sa kakulangan ng laboratory testing facility sa rehiyon.

“Sa pamamagitan ng Gene Expert Laboratory na ito ay makakapagbigay tayo ng agarang resulta at mabisang paraan upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng anumang sakit. Hindi lamang ito gagamitin ngayong panahon ng pandemya kung kaya’t mahalaga na palagiang sumailalim sa pagsasanay ang mga health personnels kaugnay ng ibat-ibang sakit upang maging handa sakaling may ibang health emergency na mangyari”,ani Janairo.

Ang naturang pasilidad ay gagamit ng Cartridge-Based Technology (Xpert-Xpress SARS COV 2 Rapid PCR Assay) para sa pagsusuri ng specimen. Ito ay may real-time Reverse Transcriptase Rapid Polymerase Chain Reaction (rPT-PCR) na ibibigay ng LPU-B at nakapaloob sa tripartite agreement kasama ang DOH Calabarzon at BatMC.

Sinimulan noong Marso 24, 2020 ang pagsumite ng letter of intent na pinangunahan ni Dr. Janairo sa Department of Health. Nagsagawa naman ng validation ang WHO-RITM-DOH unified assessment team noong April 15, 2020.

Nakatanggap ang BatMC ng sulat mula sa RITM noong Abril 25, 2020 kung saan nakasaad na ang TB culture lab ay pansamantalang itinalagang COVID-19 testing laboratory kung saan maaaring isagawa ang rapid PCR test.

Sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay ang tatlong medical technologists noong Abril 28-30,2020. Sumailalim din sa personnel training at proficiency testing bago isinagawa ang final visit ng assessment team at ipinagkaloob ang License to Operate noong Hunyo 18, 2020.

Batay sa polisiya ng pasilidad, alas-7 ng umaga hanggang als-3 ng hapon mula Lunes hanggang Miyerkules lamang tatanggap ng specimen para sa COVID-19 testing upang bigyang-daan naman ang ibang specimen na walang kaugnayan sa naturang virus. Bawat araw ay mayroon lamang 30 specimen ang nakatalagang tanggapin sa naturang pasilidad upang isailalim sa testing. — Source: (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with reports from DOH Calabarzon)

Leave a Reply

Share via
Copy link
Powered by Social Snap