COVID-19 crisis, lalatay sa ekonomiya; dollar remittance, tapyas din, ayon sa mga ekonomista

COVID-19 crisis, lalatay sa ekonomiya; dollar remittance, tapyas din, ayon sa mga ekonomista

Inaasahan ng mga ekonomista ang malaking epekto ng COVID-19 at enhanced community quarantine sa ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2020. Maging ang mga ipinapadalang dolyares ng mga Pinoy sa abroad na malaking tulong sa paglago ng ekonomiya, tiyak din umanong malaki ang mababawas.

Sa pagtaya ni Socio-economic Planning Secretary Ernesto Pernia, posibleng maglaro umano sa zero hanggang dalawang porsiyento ang magiging paglago ng ekonomiya ngayong taon, malayo sa naunang pagtaya na anim na porsiyento.

Katunayan, inaasahan ni Pernia na “negative” o walang paglagong magaganap sa ekonomiya ng bansa sa ikalawang bahagi ng taon.

“The economy will be suffering some contraction. The second quarter GDP (gross domestic product) is likely to be negative and if extended say by two weeks, it’s even more certain that it will be negative in the second quarter,” sabi ng opisyal sa GMA News nitong Martes.

“There will be some inertia that will be felt in the third quarter and that will also have some effect on the third quarter GDP growth. Hopefully not negative. Hopefully recovering a bit,” dagdag niya.

Nitong Martes, inihayag ng Palasyo na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa hanggang sa katapusan ng Abril ang enhanced community quarantine sa Luzon, o kabuuang tagal na mahigit isa at kalahating buwan.

“We could expect a low growth rate. Perhaps two percent. Between zero and two percent for the whole year,” pagtaya ni Pernia.

Ang ekonomistang si Noel Leyco, nangangamba na magreresulta sa kawalan ng maraming trabaho at pagkagutom ng maraming Pinoy ang epekto ng COVID-19 crisis sa ekonomiya ng bansa.

“Imposible na ang 6% (na paglago ng ekonomiya). Mas malamang ang negative growth kung magpatuloy pa at lalong lumala ang sitwasyon sa bansa at buong daigdig. Ang kahulugan nito ay marami ang mawawalan ng trabaho at malawakang kagutuman ang puwedeng asahan kung magpatuloy ang paglala ng sitwasyon,” hiwalay na pahayag ni Leyco sa GMA News.

“Natigil ang produksyon at kahit na maseselan na sektor ng ekonomiya ay malubha ring naapektuhan. Hindi makapasok ang mga empleyado at hindi rin makapamili ang maraming mamamayan,” dagdag pa niya na presidente rin ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Damay din umano sa krisis ang mga Pinoy sa abroad at ang ipinadadala nilang dollar remittance dahil ramdam din sa ibang bansa ang matinding epekto ng COVID-19, at nagpapatupad din ng lockdown tulad sa Amerika.

Kung dati ay umaabot umano sa $2 bilyon ang naipadadalang dollar remittance ng mga Pinoy sa abroad bawat buwan, posible umano itong mangalahati na lang o maging $1 bilyon.

“Dagdag pa ang lockdown sa Amerika at ibang bansa ang remittances na mahigit $2 billion kada buwan ay maaari ding bumaba sa kalahati o $1 billion na lang dahil marami ring Pilipino ang maaring nawalan na rin ng trabaho sa America, Europa at ibang bansa.  Ang mga seamen natin ay umuuwi na rin,” paliwanag ni Leyco.

Sinabi naman ni Pernia na mahalaga na bigyan ng prayoridad ang pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino, at ginagawa umano ng pamahalaan ang makakaya nito na mabalanse rin ang ekonomiya.–FRJ, GMA News

Leave a Reply

Share via
Copy link
Powered by Social Snap