Comedian na si Kim Idol, nasa kritikal na kundisyon matapos mawalan ng malay

Comedian na si Kim Idol, nasa kritikal na kundisyon matapos mawalan ng malay
Si Kim Idol ay nagsisilbi bilang marshal ng Bureau of Quarantine sa Philippine Arena, na ginawang COVID-19 facility para sa mga kababayan nating nagpositibo sa coronavirus. PHOTO/S: Instagram

Nasa kritikal na kundisyon ngayon ang stand-up-comedian na si Kim Idol—Michael Argente sa tunay na buhay.

Natagpuan si Kim, 41, na walang malay sa Philippine Arena nitong Huwebes ng madaling-araw, July 9.

Isinugod siya sa Manila Central University Hospital sa Caloocan City.

Ayon sa kanyang ina na si Maria Argente, nagkaroon ng brain arteriovenous malformation (AVM) si Kim.

Ang AVM, ayon sa mayoclinic.org, ay “tangle of abnormal blood vessels connecting arteries and veins in the brain.”

Nagsisilbi si Kim bilang marshal ng Bureau of Quarantine sa Philippine Arena, na ginawang COVID-19 facility para sa mga kababayan nating nagpositibo sa coronavirus.

Bukod sa pagiging marshal, naghahatid din si Kim ng aliw sa mga COVID-19 patients dahil nagagamit niya ang kanyang talento sa pag-awit at pagpapatawa.

Nagsimula noong May 10 ang frontliner duties ni Kim sa Philippine Arena.

Miyembro si Kim ng Iglesia Ni Cristo.

PRAY FOR KIM

Panalangin para sa mabilis na paggaling ni Kim ang hiling sa lahat ng kanyang pamilya at mga kaibigan.

Mensahe ng kanyang ina na si Maria Argente, “Please pray for my son Kim Idol for fast recovery. I love you so much anak.

“Sa mga nakakakilala kay Kim Idol, patuloy tayong manalangin para sa kanya.

“Sinuong n’ya ang kanyang buhay para sa nangangailangan ng tulong bilang frontline.

“Hindi siya nahawa, yung AVM (brain arteriovenous malformation), yun ang naging dahilan napagod at napuyat marahil.”

Dasal din ang hiling ng mga kaibigang komedyante ni Kim gaya nina Teri Onor, Super Tekla, at Philip Lazaro.

Mensahe ni Teri: “Please pray for our friend Kim Idol. Naka-life support po siya ngayon sa hospital.”

Ramdam naman ang sobrang pag-aalala ni Super Tekla sa kanyang mensahe para kay Kim Idol.

Saad niya, “Ayan, di ka nagsasabi ng nararamdaman mo tinawagan kita dahil nararamdam ko yung post mo may something.

“Sabi mo, ok ka lang. Sabi ko kahit, puntahan kita Kim Idol.

“Teh kaya pa ‘yan.’Wag na ‘wag kang bibitaw. Lumaban ka, kaya mo ‘yan.”

Panawagan pa niya, “Ipagdasal po natin ang aming kaibigan, critical ang lagay ni Kim Idol.

“DIYOS KO ILIGTAS N’YO SI KIM IDOL SA SITWASYON N’YA NGAYON.”

Pakiusap naman ni Philip Lazaro: “Let us all pray for KIM IDOL.

“Naputukan ng ugat sa ulo. In life support now.

“KUYA JESS, MAMA MARY PLS.”

Kahit may ibang pinagkakaabalahan, ikinalungkot ni Kim ang pagsasara ng mga comedy bar na Zirkoh at Klown.

Regular performer si Kim sa mga comedy bar na pag-aari ni Allan K., na naging instrumento para maging mainstay siya noon ng Eat Bulaga.— Source: Jojo Gabinete  / pep.ph

Leave a Reply

Share via
Copy link
Powered by Social Snap