Bagong baby ni Super Tekla, kailangang operahan dahil sa birth defect na anorectal malformation

Bagong baby ni Super Tekla, kailangang operahan dahil sa birth defect na anorectal malformation

Isang bagong biyaya para kay Super Tekla ang bago niyang anak na si Baby Angelo. Pero nagbigay din ito ng bagong pagsubok sa kaniya dahil ipinanganak ang bunsong anak na may problema sa kalusugan.

Sinabing tatlong araw pa lang ang nakalilipas nang isilang si Baby Angelo.

Pero meron anorectal malformation ang sanggol o walang butas ang puwet at nakikipaglaban ngayon sa kaniyang buhay.

Kailangan daw na operahan kaagad si Baby Angelo.

“Kaba at takot ko, ganoon na lang. Masakit bilang isang tatay. Nilakad ko lahat, nilalakad ko kung anong kayang mailakad. Handa akong mag-start ulit, that’s life. Pero at the end of the day, wala akong pagsisisihan,” maluha-luhang sabi ni Tekla.

May mga pagkakataon din na pinanghihinaan na raw ng loob si Tekla pero kumakapit siya sa pamamagitan ng pananampalataya.

“Sabi ko, ‘Bro, grabe ka naman, dito mo pa talaga binigay itong ganitong situation na wala akong kalaban-laban kundi ang humagulgol at maglumpasay,'” saad niya.

Sa kabila nito, haharapin daw at hindi mawawalan ng pag-asa si Tekla sa kinakaharap na pagsubok.

“Sabi ko, ganoon talaga, that’s life. Kung there’s a big, big plan si God, kung will ng God na ibigay niya sa akin,” aniya. “So ganoon po kabigat ang aking… Pero never po akong mawawalan ng pag-asa.”

Para kay Tekla, iba sana ang magiging sitwasyon kung sa ibang panahon nangyari ang pagsubok.

“Talagang lahat siguro susuyurin ko, pero wala kang masusuyod. This moment, wala ka talagang masusuyod eh,” ani Tekla.

Hindi raw sanay si Tekla na humingi ng tulong, pero handa siyang talikuran ang pride para sa buhay ng kaniyang anak.

“If ever na may taong tutulong, sobrang blessing at saka lagi kong pasasalamatan. Pero fighting for ‘yung gaano ka-importante ‘yung buhay,” sabi pa ni Tekla.— Source: Jamil Santos/FRJ, GMA News

Leave a Reply

Share via
Copy link
Powered by Social Snap