ABS-CBN employees, pinapayagan nang lumipat sa ibang kumpanya o TV network

ABS-CBN employees, pinapayagan nang lumipat sa ibang kumpanya o TV network

Nagkaroon ng emergency meeting, via Zoom, ang staff ng ilang mga programa ng ABS-CBN.

Ipinarating ng network management ang desisyon nitong ipahinto na ang trabaho ng lahat.

Ginanap ang meeting kahapon, July 1—isang araw makalipas ang utos ng National Telecommunications Commission na tigil-operasyon ang pag-ere ng Kapamilya shows sa ABS-CBN TV Plus at SkyDirect direct-to-home transmission via Channel 43.

Noong una, sinasabing kalahati na lamang ang natatanggap na suweldo ng Kapamilya employees mula pa noong June.

Pero dahil sa malaking krisis sa franchise renewal ng Kapamilya Network, mula sa 50 percent ay sinasabing ginawang 25 percent ng sahod, o kung tawagin nila ay cash assistance, ang para sa ibang programa.

Ito na lang umano, ayon sa isang network insider, ang maibibigay ng management hanggang sa katapusan ng July 2020.

Sinabi rin ng ABS-CBN management sa program staff na pagkatapos ng July 30, puwede na silang mag-apply sa ibang mga kompanya o television network.

Mababalewala na ang non-compete clause sa mga kontratang pinirmahan nila.

Ang ABS-CBN Current Affairs writer/producer na si Nick Villavecer ang isa sa mga nag-tweet kahapon, July 1, tungkol sa temporary stop production ng kanilang departamento.

Sabi niya: “While they were grilling our bosses at the hearing today, we were told at past noon that there will be an emergency meeting.

“‘You will hear a lot of bad news today,’ my boss warned.

“And bad news it is: ABS-CBN’s Current Affairs division will temporarily STOP production.”

Nakumpirmang totoo ang impormasyong ibinahagi ni Villavecer dahil sa July 1 advisory ng Umagang Kay Ganda, ang morning show ng ABS-CBN Current Affairs.

Hindi na napanood ang UKG simula kaninang umaga, July 2.

Sabi sa mensahe ng UKG staff:

“Mga Kapamilya, pansamantala po muna naming ititigil ang ating ‘Umagang Kwentuhan’ dahil sa krisis na aming pinagdadaanan sa ngayon.

“Mula po sa bumubuo ng Umagang kay Ganda, maraming maraming salamat po sa inyong patuloy na suporta!”

Lubha itong ikinalungkot ng loyal viewers ng ABS-CBN.

Bukod sa mga programa ng ABS-CBN Current Affairs, ipinatitigil na rin umano ang production ng ilang mga teleserye dahil sa kalbaryong dinaraanan sa kasalukuyan ng Kapamilya Network.

Habang dinidinig ang franchise renewal ng ABS-CBN sa Kongreso, ilang beses nang inihayag ng top executives ang kanilang pangamba sa mangyayari sa kanilang mga empleyado.

Hindi rin itinago ng network executives na malaki ang posibilidad na magbabawas sila ng mga manggagawa.

At ngayong wala pang kalinawan ang lahat, mukhang nangyayari na ang kinatatakutan ng mga taga-ABS-CBN.— Source: pep.ph

 

Leave a Reply

Share via
Copy link
Powered by Social Snap